Isinusulong ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na magkaroon ng isang unit ng Philippine National Police (PNP) na mamahala sa mga bagong recruit na sumasailalim sa ‘On the Job Training’ (OJT).
Ito ay upang matiyak na maipatutupad ang tamang pag-uugali sa mga pulis at maiwasang maligaw ng landas ang mga ito.
Ang pahayag ay ginawa ni Lacson kasunod ng panibagong insidente ng pagkakasangkot ng mga pulis sa iba’t-ibang krimen.
Sinabi ni Lacson na isa sa nakita nilang gap o problema kaya’t may mga pulis pa rin na nasasangkot sa iregularidad sa kabila ng pagdodoble ng kanilang sahod ay dahil sa hindi tamang pamamahala sa kanila habang sila ay nasa OJT.
“Ang nakikita naming gap, once na nag-OJT or na-deploy sa field ang pinag-ma-manage kung sinu-sino lang, pipili lang ng kung sinong sarhento na sila ang supervisor. Ang nangyari kung salbahe ang naka-assign kung saan-saan dinadala,” diin ni Lacson.
Kasabay nito, tiniyak ng senador na maaaprubahan na sa Kongreso ngayong taon ang panukala na maglilipat na sa PNP ng training sa mga bagong recruit na pulis.