Inilagay kahapon ng Department of Justice (DOJ) sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang Japanese ­casino tycoon na si Kazuo Okada upang hindi ito makalabas ng Pilipinas dahil sa kinakaharap na kasong kriminal.

Kaugnay ito ng kasong isinampa laban sa kanya ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI), ang kompanyang namamahala sa Okada Manila.

Base sa dalawang pahinang kautusan na pirmado ni Justice Secretary Vitaliano Aguir­re II, inisyu ang ILBO makaraang hilingin ng TRLEI.

Nabatid na ang TRLEI ay naghain ng kasong two counts of estafa sa Parañaque City Prosecutor’s Office at perjury sa Makati City Prosecutor’s Office laban kay Okada.

Inakusahan ng TRLEI si Okada ng illegal disbursement ng pondo ng kompanya na aabot sa mahigit $3 milyon bilang kabayaran umano para sa kanyang consultancy fee at suweldo sa loob ng isang buwan na pagiging chief executive officer o CEO.

Naging CEO si Okada ng TRLEI, local subsidiary ng Japanese firm na Universal Entertainment Corporation at operator ng casino-hotel na Okada Manila, mula Abril hanggang Mayo noong nakaraang taon.

Sinabi ni Aguirre na sa bigat ng mga kaso kay Okada, malamang na lumabas ito ng bansa kung kaya’t nag-isyu sila ng ILBO laban sa casino tycoon.

Sa ILBO na inisyu ng DOJ, inatasan si ­Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na atasan ang kanyang mga tauhan na maging mapagmatyag sakaling mamataan sa mga international airport at seaport si Okada at tangkaing umalis sa Pilipinas.

Ang isang tao na nakalagay sa ILBO ay puwede pa ring makaalis ng bansa ngunit kailangang makakuha ng clearance mula sa DOJ at dapat mayroong Allow Departure Order bago pahintulutang makaalis.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naharap sa kasong kriminal si Okada dahil napag-alaman na kinasuhan na rin ito dati ng paglabag sa Anti-Dummy Law na inihain sa DOJ ng National Bureau of Investigation (NBI) noong nakalipas na administrasyon. Ngunit hindi naresolba ang kaso at ibinalik umano ito sa NBI upang isailalim sa panibagong imbestigasyon.

Maliban sa mga kasong kinakaharap sa Pilipinas ay mayroon din umanong iba pang asunto si Okada sa South Korea, Hong Kong at Tokyo, Japan.