Okada idiniin sa $10M estafa case

Hiniling ng Tiger ­Resort Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI), operator ng Okada ­Manila, sa Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng panibagong preliminary ­investigation o baligtarin ang resolusyong inisyu ng Parañaque City Prosecutor’s Office na nagbasura sa $10 million estafa case na isinampa laban sa gaming tycoon na si Kazuo Okada at mga kapwa akusado nito.

Sa magkahiwalay na mosyon ng TRLEI, iginiit sa DOJ na kasuhan si Okada dahil ang pagbasura sa reklamo at ang “leakage” ng re­solusyon sa kaso nito ng kanyang kampo ay paglabag sa karapatan sa due ­process.

Inireklamo ng TRLEI na may mga bahagi ng resolusyon na inisyu ni Parañaque City Pro­secutor Amerhassan C. Paudac ang nag-leak sa social media at nasa media account ng ­Korean girlfriend ni Okada na si Chloe Kim, noong Mayo 18.

“The premature leakage, followed by the apparent ‘rush to release’ the assailed resolutions, coupled with the wrongful dispositions and resolution of these cases, are indicative of Paudac’s feared undue interest in the instant cases and which not only violate due process… but are grave administrative offenses,” ayon sa mosyon ng TRLEI.

Ang kaso laban kay Okada ay nag-ugat sa umano’y illegal disbursement ng pondo ng kompanya na nagkakahalaga ng P3.1 milyon para sa consultancy fee at suweldo ni Okada.

Ang ikalawang kasong estafa ay may kinalaman sa $7 mil­yong kontrata para sa supply ng light emitting diode (LED) fixtures sa Okada Manila mula sa personal nitong kompanya na Aruze Philippines Manufacturing Inc. (APMI).

Bukod sa kasong nakasampa sa Pilipinas, nahaharap din sa iba pang mga reklamo si Okada sa South Korea, Hong Kong at Tokyo, Japan.