Okada rendahan sa basura

Kinalampag ng isang kongre­sista ang Department of Tourism (DOT), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na maglabas ng istriktong re­gulasyon para maipatupad ang mga batas na may kaugnayan sa pangangalaga ng kapaligiran.

Kasunod ito ng napurnadang pagpapakawala ng mga lobo ng Cove Manila, isang indoor beach club at nightclub sa Okada Manila at ilan pang sikat na establisimiyento noong bisperas ng Bagong Taon.

Ayon kay Aangat Tayo Party-list Rep. Harlin Neil Abayon III, kung hindi naawat ang naturang aktibidad ay konsumisyon ang idudulot nito sa kapaligiran kung kaya’t nagpasalamat ito sa mga netizen na nagkaisa para tutulan ang Balloon Dropping event.

“Those establishments should have known better and failed to do their complete staff work and research because if they had, they would have learned that many local governments have been banning single-use and unrecoverable plastics. DOT, DTI, and DILG should have much better coordination with the DENR (Department of Environment and Natural Resources) against solid waste, especially plastics,” pahayag ni Abayon.

Kung hindi aniya naging alisto ang publiko ay hindi napigilan ang pagkakalat ng Okada Manila at mga kagaya nitong establisimiyento na magbibigay ng maling halimbawa sa publiko at magdudulot ng perwisyo sa kapaligiran. (Aries Cano)