Okada safe house ng Chinese kidnapping

Arestado ang tatlong Chinese na miyembro ng sindikato ng loan shark sa mga casino matapos nilang kidnapin ang isa nilang kababayan at ikulong sa isa sa mga kuwarto sa Okada hotel sa Parañaque City, ayon sa ulat ng Phi­lippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) kahapon.

Kinilala ni AKG chief Brig. General Jonnel Estomo ang mga nadakip na suspek na sina Huang Ya Jian, 29, Liang Bin, 33, at Li Wei, 38, pawang mga Chinese national.

Ayon kay AKG spokesperson Maj. Ronaldo Lumactod, Jr., base na rin sa salaysay ng biktimang si Li Zihong, 20, naglalaro siya sa casino ng Okada noong Pebrero 21 nang lapitan umano siya ng mga suspek at alukin siya ng halagang P1 milyong casino chips na kinagat naman ng biktima.

Matapos matalo ang kalahati ng halaga ng chips ay nagdesisyon ang biktima na tumigil ng maglaro at isinoli nito ang P500,000 halaga ng chips sa mga suspek.

Dinala naman ng mga suspek ang biktima at ang kaibigan nito na nakilalang si Feilong Hu sa VIP room ng hotel at doon ay pinag-usapan ang bayaran sa naipatalong pera.

Nakiusap naman si Zihong sa kanyang kaibigang si Hu na bayaran muna ang kakulangan sa mga suspek kaya ibinigay ni Hu ang 71,428 RMB o halagang P428,000 sa mga suspek at nangakong ibabalik ang kakulangan sa mga susunod na araw suba­lit hindi pa rin sila pinayagang makaalis ng mga ito.

Nabatid na dahil sa sobrang pagod at gusto ng magpahinga ay nag-book ng kuwarto si Zihong para sa kanila ng kanyang kaibigang si Hu subalit laking gulat nila nang sumama sa kanila ang mga suspek at isa pang hindi kilalang Chinese national na nasa edad 50 ang pumasok sa kuwarto ng mga ito at sinabing hindi sila makakalabas doon kung hindi sila magbabayad ng P1 milyon.

Doon na nagdesisyon si Hu na i-report sa management ang insidente matapos itong magpaalam na kunwari ay bibili ng pagkain.

Mabilis naman ang ginawang koordinasyon ng pamunuan ng Okada sa mga tauhan ng PNP-AKG upang iulat ang insidente at dakong alas-2:45 nang madaling-araw noong Pebrero 22 ay rumesponde ang awtoridad sa Room 965 kung saan inabutan ng mga ito ang tatlong suspek at biktimang si Zihong.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa PNP-AKG detention cell sa Camp Crame at sasampahan ng kasong kidnapping ang mga ito.

Ilang beses nang nagkaroon ng mga insidente ng kidnapping sa Okada kung saan karamihan sa mga biktima ay mga Chinese na nababaon sa utang dahil sa sugal na dinudukot para puwesahing magbayad ang pamilya nito sa China.

Noong 2017 nasa 54 ang kaso ng kidnapping na naitala at halos mga Chinese national ang sangkot. At dahil sa lumalalang kidna­p­ping sa mga casino ay nagtalaga na ang PNP-AKG ng mga help desk sa mga casino hotel katulad ng Okada. (Edwin Balasa)