Kapag ang isang atleta ay tumanggi sa autograph, natural na sa madla na sabihan itong mataray.
Kapag ang isang manlalaro ay umayaw sa naki-selfie, madalas ay huhusgahan ito na feeling sikat.
Maraming puwedeng sabihin sa mga sports personality kapag hindi napagbigyan ang mga fan.
Ngunit ngayon ay dapat sigurong palampasin na ito ng mga sports fan.
Sa National Basketball Association (NBA), pinag-iisipan nang pagbawalan ang pakikipag-apir ng kanilang mga player sa crowd.
Si CJ McCollum naman ng Portland Trailblazers, hindi na muna magpapaunlak ng autograph.
Lahat ng ito ay dahil sa banta ng coronavirus outbreak. Kalat na sa buong mundo, tanging Antartica na lang ang kontinente na hindi pa naapektuhan nito.
Sa ngayon ay dapat na maging maingat ang mga atleta dahil kahit pa sabihing maganda ang kanilang pangangatawan ay walang ligtas sa nasabing virus, na kahit mga government official, Olympian o sundalo ay nasawi na dahil dito.
Kaya ngayon ay huwag muna sanang husgahan ang mga atleta na tatanggi muna sa pakikipag-socialize sa mga fan dahil para rin ito sa kaligtasan ng lahat.