Okey na okey ang marami na hindi na bibigyan ng protocol plate ang mga congressman dahil hindi naman sila dapat bigyan ng pribilehiyo sa lansangan lalo na ngayong malupit ang problema sa trapiko sa Metro Manila. Isama na rin kaya ang mga senador?
Kahit ‘yung mga dating congressman ay gumagamit pa rin ng mga protocol plate na tila ba hindi na nahiya dahil nakikinabang sa pribilehiyo kahit wala na sila sa puwesto dahil isinuka na sila ng kanilang constituent kaya sila natalo o kaya natapos na ang kanilang termino.
Hindi lang ang mga congressman ang gumagamit ng protocol plate ha, kahit ang kanilang mga staff na karamihan ay chief of staff ay gumagamit ng protocol plate kaya ang dating nila sa lansangan ay mga congressman din.
Marami nang kuwento sa pang-aabuso sa plakang 8 ng mga congressman dahil bukod sa barumbado ang nagmamaneho ng sasakyang gamit ang plakang ito sa lansangan ay ginagamit din sa mga iligal na gawain.
Halimbawa na lang ‘yung isang grupo na nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinaghihinalaang nagmamantine ng prostitution dahil maraming alagang babae na ayon sa ulat ay inilalako ang mga biktima sa mga high roller players sa mga casino na pawang mga dayuhan.
Hindi na malalaman kung may nagbigay ba sa mga plakang gamit ng grupong ito sa kanila o ipinagawa lang sa Recto para marahil hindi sila masita sa kalsada kahit lumabag sila sa batas trapiko.
Bukod sa plakang 8, marami pang gumagamit ng protocol plate ng PNP, NBI at kung anu-anong organisasyon pero ‘pag tinignan mo ang sakay, hindi tunay na Filipino kundi may halong lahi tulad ng mga singkit ang mata.
Noong uso pa ang wangwang, ang karaniwang gumagamit naman talaga ng wangwang ay hindi pure Filipino. Buti na lang at ipinagbawal ni dating Pangulong Noynoy Aquino at hanggang ngayon ay ipinagpatuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Saka, hindi na ubra ang protocol plate ngayon kung gusto mong manggulang sa lansangan dahil kahit anong gawin mo hindi ka naman makakalusot sa sikip ng mga kalsada ngayon.
***
Panahon na talaga na alisin ang system loss charge sa electric bill sa mga consumer dahil hindi makatarungan na tayo ang parusahan ng mga power distributors sa kuryenteng ninanakaw sa kanila.
Anong pakialam ng isang ordinaryong consumer kung nanakawan man ang Meralco o kaya electric cooperative? Bakit kaming mga consumer ang sisingilin eh wala naman tayong kasalanan kung hindi nila binabantayan ang kanilang produkto.
Para bang kapag may ninakawan ang isang bahay eh lahat ng mamamayan ay dapat parusahan dahil nagkaroon ng nakawan bagay na hindi ‘yan mangyayari pero kapag kuryente ang nananakaw lahat ay magdudusa.
Gumawa na ang Kongreso ng batas noong 1994 o ang Republic Act (RA) 7832 o Anti-Electric Pilferage Law para parusahan ang mga magnanakaw ng kuryente pero ang mga industry players lang ang nakikinabang sa batas na ito.
Wala silang ginagawa dahil kahit mawalan man sila ng kuryente dahil masisingil naman nila sa mga consumers na mayroon pang kasamang VAT. Ang tanong na hindi masagut-sagot hanggang ngayon, ilang megawatt ang nananakaw sa kanila kada taon o kada buwan. Hindi nila sinasabi sa atin. (dpa_btaguinod@yahoo.com)
Kaya nga nakapagtataka pag nagsabi pa silang nalulugi dahil bukod tangi na sila ang negosyo na walang lugi dahil ipinapasa sa consumer ang mga losses nila. Sa mga bansa sa Europa ang Tubig at kuryente ay di negosyo kundi pangangailang basic bukod tangi sa Pilipinas ang ginagatasan ang mamamayan.