Oladipo kumawala; bangungot ng Cavs pinahaba ng Pacers

Wala nang kontra-pelong LeBron James sa Cleveland, sinamantala ni Victor Oladipo ang pagkakataon para iganti ang Indiana Pacers sa Cavaliers.

Umiskor ng 24 si Oladipo pang-ayuda sa team-best 25 ni Bojan Bogdanovic, at pinahaba ng Pacers ang bangungot ng Cavs ngayon season sa bisa ng 119-107 panalo.

Sa unang pagkakataon ay nagtagpo ang dalawang teams matapos kalusin ng Cleveland ang Indiana sa first round ng nakaraang Eastern Conference playoffs. Umiskor si James ng 45 points sa Game 7 at naligtasan ng Cavs ang pinakama­laking hamon sa pang-apat na taong sunod na biyahe sa NBA Finals.

Hindi pa nakakalimutan ni Oladipo ang larong ‘yun.

“Every time I play here, I sit here in this same locker,” aniya. “Everytime I land in Cleveland, I think about it. I watched it all summer, probably about 75 times. It’s all I thought about.”

Walang naging problema ang Pacers nitong Sabado. Kinontrol nila ang laro sa kalagitnaan ng fourth para sundan ang 20-point win sa San Antonio noong Miyerkoles.

Nabaon sa 0-6 ang Cavs, worst start kasunod ng 0-7 umpisa sa 1995-96 season. Hindi pa makapag-adjust ang Cleveland sa pagkawala ni James na tumawid ng Los Angeles noong Hulyo.

Wala rin si Cavs forward Kevin Love, sa pangalawang sunod na laro ay ipinahinga ang nananakit na kaliwang paa.
Napuwersa sa 18 turnovers ang Cleveland na nagresulta sa 30 points ng Indiana.