Ilang oras bago ianunsyong wagi si TNT guard Jayson Castro sa Best Player of the Conference (BPC) award ng 44th PBA Commissioner’s Cup 2019 Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, nagpasaring na si Blackwater rookie Bobby Ray Parks Jr. sa Twitterverse.
Ayon sa three-time Asean Basketball League local MVP, tila mas nakabubuti pang sumali sa isang super team sa liga.
“That is why its better to join a super team,” wika ni Parks.
‘Di klaro kung anong pinapatungkulan ni Parks sa tweet. Pero bago ito ay ibinahagi ni Parks ang mga kontender sa pagka-BPC kung saan kasama siya.
Sa listahan ng mga kandidato, una si Parks, kasunod ang kapwa rookie na sina Columbian Dyip forward Cjay Perez, four-time BPC awardee Jayson Castro, five-time league MVP June Mar Fajardo at NorthPort neophyte Robert Bolick.
Kung titingnan ang statistical points, nangunguna ang dating National University stalwart tangan ang 37.2 SPs, ikalawa naman ang 2018 top pick na si Perez sa 35.1 SPs. Ngunit ‘di sapat ang kanilang individual performances para manatili sa BPC contention.
Nalaglag ang Elite sa quarterfinals, ang Dyip naman sablay sa playoffs.
Sa botohan sa media ay 100 lang ang nakuha ni Parks, 458 naman si Castro, ngunit sa stats ay nanguna ang rookie sa 434 kontra sa 393 ng veteran guard.
Sa social media ay bumuhos ang suporta kay Parks, ang iba ay hinihikayat na lumipat na lang si Parks sa mas malakas na koponan, habang ang ilan naman ay kinukumbinsi ang manlalaro na manatili na sa Blackwater para sa balanse ng liga.
“Wag idol hayaan mong buhatin mo Blackwater mas okay po yun,” sey ni @turla_paul.
“Idol, your ok na sa BWE at napatunayan mo na magaling ka at napaganda mo ang standing ng team nyo last conf. Been following you since NU days, Alab and Gilas.. and still hoping and waiting na irepresent mo ule ang Pinas,” pahayag naman ni @williamdimas. (Ray Mark Patriarca)