Bibihira sa mga gymnasts ang tumatagal ng hanggang tatlong Olympic Games.
Ibahin si Oksana Chusovitina ng Uzbekistan.

Ang Rio Games ay pampitong Olympics na ni Chusovitina, sa edad 41 ay nakikipagsabayan sa mga atleta ng kanyang sport na karamihan ay mas bata pa sa 17-anyos niyang anak na lalaki, si Alisher.

“If they gave a few more marks for age, it would have been great,” biro ni Chusovitina sa women’s qualifying nitong Linggo.

Si Chusovitina na ang oldest ever gymnast na sumabak sa Games, sa apat na dekada ay napanatili ang payat na pangangatawan na ‘must’ o importante sa kanyang sport. Nag-debut sa Barcelona Olympics si Chusovitina noong 1992, miyembro ng Unified Team na kumakatawan sa dating Soviet Republics.

Maingay at mahaba ang sigawan nang ipakilala ang Uzbek bilang “living legend” at lalo pang lumakas nang tumakbo na si Chusovitina sa runway bago lumipad sa kanyang unang vault.