Optimistiko si 2018 Indonesia Asian Games gold medalist Margielyn Didal na maaagaw niya ang isang silya sa kailangang walong kababaihan na direktang makakapagkuwalipika sa pinakaunang pagsasagawa ng larong Skateboarding sa kada apat na taong Olympics na gagawin sa 2020 sa Tokyo, Japan.
Ito ay matapos na tumuntong sa kabuuang ika-10 puwesto ang mula Cebu City na si Didal base sa inilabas na pinakahuling Olympic World Street Skateboarding ranking na inilabas ng internasyonal nitong pederasyon noong Hulyo 31, 2019 na World Skate.
Krusyal para kay Didal na makapagtipon ng malaking puntos kaya masusi ang isinasagawa nitong paghahanda para sa pagsabak sa Street League Skateboarding (SLS) World Championships, ang pinakahuling leg ng sinasalihan nitong World Tours sa Mexico City, Mexico sa darating na Setyembre 18 hanggang 22 upang agad makatuntong sa asam nitong unang Olympics.
Nakaipon na si Didal ng kabuuang 14,360 puntos sa pagsabak nito sa tatlong Olympic qualifying competition na (SLS) Tour Leg 1 sa London; ang Dew Tour sa California at ang nakaraan na SLS Tour Leg 2 sa Los Angeles kung saan tumapos ito na fifth sa Finals.
Kasabay sa pagsabak ni Didal sa mga Olympic qualifying tournament ay ang paghahanda na rin nito para iuwi ang unang gintong medalya sa paglahok sa unang pagsasagawa ng larong SkateboarĀding sa 2019 Southeast Asian Games sa Tagaytay City sa Disyembre 3-8. (Lito Oredo)