Isang espesyal na eroplano ang ginamit na transportasyon para mailipat ang simbolikong Olympic flame mula sa pinagmulan ng modernong paligsahan patungo sa host ng 32nd Summer Olympics Games 2020 sa Tokyo, Japan.
Pero wala nang magarbong seremonya sa pagpasa ng kawa at torch kundi iilang mga opisyal lang sumaksi dahil sa pag-iingat sa nakamamatay na coronavirus disease.
Dumating ang Olympic flame sa Japan kahapon mula Greece sa napakatahimik na reception mula dapat sa planong mas masaya at magarbong pagtanggap ng host country.
Nilimitahan ang pagkilos ng lahat dahil sa virus global pandemic bukod pa sa patuloy na pag-aalinlangan ng marami kung itutuloy pa ang 2020 Tokyo Games.
Lumapag ng Japan ang Olympic flame sakay ng isang special charter flight sa Matsushima Air Base sa Miyagi province, na napili bialng parte sa “Recovery Olympics” na magpapakita sa pagbangon ng rehiyon mula sa 2011 earthquake, tsunami at nuclear meltdown.
Kinuha nina Japanese Olympian Saori Yoshida at Tadahiro Nomura ang flame mula sa loob ng aircraft at dinala sa cauldron sa nakahugis na cherry blossom sa isang stage sa harap ng ilan lang na mga piling bisita.
Una nang nagpunta ang mahigit sa 200 kabataan para i-welcome ang flame, pero hindi pinayagan na makalapit dahil na rin sa parte ng tinagurian ng organizers na “heartbreaking decision” upang masagip ang aktibidad dahil na rin sa paglaban ng buong mundo sa virus na naging sanhi ng pagkamatay ng halos 10,000 katao.
Matapos ang speech ni chief organiser Yoshiro Mori, ang Olympian ang nagsindi sa cauldron gamit ang torch, na may disenyo na inirerepresenta ang pinakamamahal sa Japan na cherry blossom.
“Children had planned to welcome the Olympic flame, but we decided to scale it down, giving priority to their safety,” sabi ni Mori.
Nakalagay sa eroplano ang slogan ng 2020 Summer Olympics torch relay na “Hope Lights Our Way” sa pag-asang matuloy ang palaro na inaasahang lalahukan ng 206 na bansa at 11,200 na atleta na maglalaban sa 339 events mula sa 33 sports na may 50 disipinla.
Bubuksan ito sa Hulyo 24 at matatapos sa Agosto 9. (Lito Oredo)