Desidido ang Philippine Sports Commission (PSC) na tuldukan na ang halos 100-year gold medal drought sa Olympics pagdayo ng 2020 Games sa Tokyo.

Ipinahayag ni PSC chairman Butch Ramirez ang maagang pagtatayo ng government sports agency ng training camp sa ‘Land of the Rising Sun’ para sa mga atletang Pinoy na bokya pa sa ginto sapul nang unang sumabak sa quadren­nial event noong 1924 sa P­aris, France.

“We are urging na sana ngayon pa lamang ay ma-appoint na ang ating chef de mission sa darating na (29th) Kuala Lumpur SEA Games 2017, sa 18th Jakarta Asian Games 2018 at sa 2020 Olympics para agad na tayong makapag-usap-usap sa ating mga gagawin for the good of our sports in the country,” giit ni Ramirez.

Dapat ay magamay agad ng mga atleta ang kondisyon ng lugar ng kumpetisyon.

“Nais natin na maging komportable agad ang ating mga atleta sa lugar na paggaganapan ng mga kumpetisyon. Hindi iyung kung kailan labanan na saka pa lamang sila dara­ting kaya naninibago sa iba’t ibang situwasyon tulad ng klima, panahon at siyempre iyung nenerbiyusin dahil hindi sanay sa lugar,” hirit niya.

Naka-10 medalya na sa Olympics ang mga Pinoy pero wala ang napakailap na ginto. Tatlo roon ang silver, at pito ang bronze. Huling nadagdag ang silver sa weightlifting ni Hidilyn Diaz sa Rio Olympics noong August.