RIO DE JANEIRO (AP) — Plakda si New Zealand runner Nikki Hamblin sa track, mahilu-hilo pa nang bumagsak at halos wala nang pag-asa sa Olympic medal.

Bigla, may mga kamay na umalalay sa kanyang balikat, at may boses na bumulong sa kanya: “Get up. We have to finish this.”

Si American Abbey D’Agostino iyon, nag-aalok ng tulong.

Kakaibang ­eksena na ikinatuwa ng fans sa qualifying heat ng ­women’s 5,000 meters.

Binale-wala nina Hamblin at D’Agostino ang tsansa na makapasok sa ­final para tulungan ang kapwa-­competitor.

Natisod ni D’Agostino si Hamblin mula sa likod at sabay silang sumemplang may 2,000 meters pa sa race.

Malakas na bumagsak si Hamblin una ang kaliwang balikat. Tumayo si D’Agostino, pero nanatiling nakahiga si Hamblin, parang umiiyak na. Sa halip na humabol sa mga nauna, nilapitan ni D’Agostino si Hamblin, hinawakan sa balikat ang New Zealander bago sa kili-kili para itayo.

“That girl is the Olympic spirit right there,” ani Hamblin kay D’Agostino.

Mas kinailangan ni D’Agostino ng tulong, dahil bugbog din ang paa sa pagbagsak.

Namimi­lipit sa sakit pero ­hindi siya sumuko, tumakbo para tapusin ang race. Hindi iniwan ni Hamblin si D’Agostino, ibinalik ang tulong.

Nauna sa finish si Hamblin, hinintay na makatawid ang bagong kaibigan bago nagyakapan ang dalawa.