Omnibus pinaboran si Gordon

Binigyan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng 10 araw ang Omnibus Bio Medical para sagutin ang mga alegasyon ng profiteering at hoarding laban sa naturang kompanya hinggil sa mga extraction machine na gamit sa COVID-19 test.

Ito’y matapos humarap sa NBI nitong Lunes ang mga abogado ng mag-asawang Van William at Emily Co na siyang may-ari ng Omnibus, makaraang ipatawag ng ahensya kaugnay sa alegasyon ng economic sabotage laban sa naturang kompanya.

Base sa inisyal na ulat ng NBI Special Action Unit, tinigil ng Omnibus ang pagbebenta ng extraction machine sa Project ARK, isang private sector initiative para sa pagsasagawa ng COVID-19 rapid test kit.

Isang source mula sa Project ARK ang nagsabi sa NBI na hinarang ng Omnibus ang mga extraction machine na para sa Project Ark at ibinigay ang mga makina sa Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon bilang chairman.

Nagsasagawa rin ng COVID-19 test ang PRC subalit mas mahal ang singil nito kumpara sa Project ARK.

Nabatid din na noong Biyernes ay kinandado ng Bureau of Customs (BOC) ang bodega ng Omnibus sa Malabon City at ang opisina nito sa San Juan City habang isinasailalim sa imbestigasyon ang nasabing medical supply company.(Nancy Carvajal)