Isa na namang ginhawa ang hatid ng gobyernong Duterte.
Ito ay ang napipintong paglulunsad din ng one-stop shop para sa mga biyuda ng mga sundalo at pulis.
Kaya kung may one-stop shop para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) para sa pagsasaayos ng mga rekisitos at dokumento ay ipinapalatag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatayo ng opisina ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tututok lang sa pangangailangan ng mga biyuda ng mga sundalo.
Sa isang talumpati ng Pangulo sa Camp Siongco, Cotabato City, Maguindanao sinabi nito ang pagbibigay prayoridad sa pag-estima sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biyuda ng mga sundalo.
Nais ni Pangulong Duterte na pagaanin ang buhay ng mga biyuda ng mga sundalo gayundin ng mga pulis.
Isang puntahan lang dapat, aniya, ang paglalakad ng mga pangangailangan ng mga biyuda sa pagpapapirma ng mga dokumentong may kaugnayan sa tatanggapin nilang pensyon o iba pang benepisyo mula sa gobyerno.
Hindi ang biyuda ang dapat aniyang maglakad kundi ang Armed Forces, kasi alam ng Armed Forces kung saan naka-duty ang mga sundalo at pulis.
Ang ideyang ito ay kahalintulad ng ipinatupad ni Labor Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello para sa kapakanan ng mga OFWs.
Iginiit pa ng Pangulo na dapat ay isang opisina lang ang mag-aayos ng benepisyong tatanggapin ng kaanak o mahal sa buhay ng sundalo.
Ang mga tauhan ng gobyerno sa AFP at PNP, aniya, ang dapat mag-ayos kabilang ang pagkuha ng death certificate ng mga sundalo at pulis.
Sa ganitong sistema magiging isang lakaran na lamang para sa biyuda ang pagkubra ng benepisyo.