Hindi pabor ang lahat sa panukalang ‘online classes’ o pag-aaral ng mga estudyante sa kolehiyo sa kanilang mga tahanan, sa pamamagitan ng ‘internet’ bilang tugon sa krisis na likha ng COVID-19 pandemic na pumuwersa sa gobyerno upang ilatag ang ‘community lockdown’ at sapilitang panatilihin at huwag lumabas ng bahay ang mga mamamayan para makontrol ang pagkalat ng sakit.
Binansagan ni House Ways and Means chairman, Rep. Joey Sarte Salceda ng Albay ang ‘online classes’ na ‘anti-poor’ o hindi pabor sa mga mahirap, na sinasang-ayunan naman ng mga grupo ng estudyante dahil maraming mahihirap na mag-aaral ang walang kumpiyuter at ‘internet’ sa kanilang tahanan.
Pinayuhan ni Salceda ang Commission on Higher Education (CHEd) na huwag tulutan ang ‘online classes’ ngayong may krisis dahil hindi rin ito magiging kapaki-pakinabang sa mga mag-aaral. “May dalawang milyong mag-aaral sa mga pribadong kolehiyo, at 90% ng mga magulang nila at mga nagtatrabahong estudiyante ay nawalan ng trabaho at kita sa nakaraang tatlong buwan upang tustusan ang gastos sa natigil na ikalawang semestre nila,” sabi niya.
Sa isang patalastas kamakailan, sinabi ng CHED na inaamuki nito ang mga kolehiyo at pamantasan na gumamit sila ng mga alternatibong sistema ng pag-aaral, kasama ang ‘online learning’ at “hindi nila ito ipagbabawal.”
Ayon kay Salceda, na co-chairman din ng House Economic Stimulus Response Package Cluster, maaaring pinipilit ng mga kolehiyo ang mga mag-aaral nila na pumayag na sa ‘virtual classes’ upang mabigyang katwiran ang paniningil nila ng tuwisiyon na magiging dagdag na pabigat pa sa mga pamilyang nawalan na nga ng hanap-buhay at kita.
Sinabi ng mambabatas na sa pagbubukas ng session ng Kamara sa susunod na linggo, ihahain niya ang panukalang ‘Economic Stimulus Act’ na maglalaan ng ‘Tertiary Education Subsidy’(TES) sa lahat ng mga mag-aaral na dating wala nito, kung hindi ipip[ilit ng mga pribadong paaralan ang ‘online classes’ na gusto nila.
“Hindi patas at makatwiran ang ‘online’ na pag-aaral dahil sa ‘digital divide’ kung saan maraming mahihirap na pamilya ang walang kakayahang bumili ng mga ‘laptop’ o ‘desktop’ na kumpiyuter na kailangang gastahan pa ng regular na ‘load.’ Bukod dito, hindi rin magiging mabisa ang ‘online learning’ dahil sa napakabagal na interet sa bansa na lalo pang pinabagal ng kasalukuyang krisis,” sabi niya.
Binigyang diin din ni Salceda na ang pagtulak sa ‘online learning’ ay lalo pang magpapabigat sa krisis na pinapasan ng mga mag-aaral at pamilya nila.