Online eskuwela papalpak `pag walang kuryente – Gatchalian

Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na siguruhin ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa lahat ng tahanan habang papalapit ang balik eskwela kung saan ipatutupad ang distance learning dahil sa coronavirus pandemic.

Pangamba kasi ng senador na mawalan ng saysay ang plano ng gobyerno na magpatuloy ang edukasyon ng mga bata kahit sa loob ng kanilang mga tahanan kung wala naman silang access sa kuryente.

Aniya, base sa datos mula sa DOE noong 2019 lumalabas na mayroong 1,885,507 pamilya ang wala pang kuryente o 7.71% ng mga household sa buong bansa.

Karamihan dito ay sa Mindanao (1,187,769), pangalawa ang Luzon (364,409) at sa Visayas (333,329).

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate committee on energy, batay sa mga nakaraang pahayag ng DOE ay tiniyak nito ang 100% electrification sa buong bansa ngayong 2020.

Inilaan umano ng DOE ang P500 milyon mula sa kanilang 2020 budget na P2.3 bilyon para sa Total Electrification Program (TEP).

Sabi ng senador, maraming mahihirap na mag-aaral na nakatira sa malalayong lugar ang walang kuryente sa bahay at mapag-iiwanan sa kanilang pag-aaral kaya dapat lamang na tuparin ng DOE ang pangako nitong 100% electrification sa buong bansa ngayong taon.

“Pagkatapos ng aming hearing ukol sa total electrification, ang DOE ay nag-isyu ng isang circular para sa paggamit ng microgrids upang tugunan ang kawalan ng kuryente sa remote areas. Kailangan talaga nating gumamit ng makabagong teknolohiya upang maabot natin ang lahat ng estudyante at households na nasa bundok at mga isla,” aniya.