Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Special Operations Unit (RSOU), PNP Anti-Cyber Crime Group at Pasig City Police ang isang online lending corporation at inaresto ang limang Chinese national at 49 Pinoy na empleyado, Huwebes nang hapon sa Pasig City.
Batay sa nakalap na report mula kay NCRPO Director Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, inihain ang warrant to search, seize and examine computer data (WSSECD) No. 2019-134-PSG na inisyu ni Hon. Achilles A. A.C Bulauitan, Presiding Judge ng RTC Branch 154, NCJR, Pasig City laban sa Fuwei Lending Corporation Huwebes nang hapon sa Unit 2204–2205, Raffles Tower, Garnet St. Emerald Ave. Ortigas Center, Pasig City.
Kasabay ng pagdakip sa 54 ay nakumpiskahan rin ang mga ito ng gadget at electronic device na gamit nila sa iligal na transaksyon.
Nag-ugat ang pagsalakay makaraang makatanggap ng patong-patong na reklamo mula sa mga kliyente ang Fuwei Lending Corporation, isang SEC registered company na pag-aari ng Mango Loan, isang mobile software application na ginagamitan ng Google Playstore at Apple Appstore service kung saan nagbibigay ng mga financial service sa kanilang mga nabibiktimang kliyente na nais mangutang.
Sa naganap na pagsalakay, nakumpiska ang nasa 87 Computer System; apat na laptop; 4 Switch Hub; 5 router/modem; 47 iba’t ibang cellphone; iba’t ibang papeles at P 100,000 cash.
Lumitaw ang mga complainant ng kompanya, bumuo ng Viber group chat at nagkaisa laban sa lending company. Umaabot sa mahigit kumulang na 1,000 miyembro ang nasabing kompanya.
Ayon sa mga complainant, matapos nilang makapangutang sa kompanya ay halos hindi na sila tinantanan sa paniningil lalo pa kapag na-delay lamang ang kanilang bayad na umabot pa sa puntong ipinapahiya na sila sa pamamagitan ng social media at sa ibang kakilala kung saan sinasabing limang miyembro na ang nagpakamatay dahil na rin sa kahihiyang sinapit.
Bukod dito’y malaki rin umano ang patong na interes. (Vick Aquino)