Online palengke patok dahil sa ECQ

Hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante na tingnan at gamitin ang mga online platform sa kanilang pagbebenta ngayong panahong hindi makalabas ng tahanan ang mga tao dahil sa enhanced community quarantine (ECQ).

“If there’s one thing that the enhanced community quarantine taught us, it’s that we can explore the possibilities in the digital space,” sabi ni DTI Export Marketing Bureau Director Senen Perlada.

Sabi niya, malakas ang hatak ng mensahe ng isang produkto tulad ng nangyari noong Marso 11 kung saan nabili agad ang 1,600 kilo ng manga nang makansela ang National Food Fair.

Bukod sa pagsali sa online marketplace, mahalaga rin na may sariling website ang mga negosyo, dagdag ni Perlada.

Sabi pa niya, 40% lamang ng mga exporter ang may sariling website at mahalaga ito para sa mga nagbebenta sa ibang bansa.

Inamin ni Perlada na hihina ang export ng Pilipinas dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa ngayon, magandang pagtuunan muna ng pansin aniya ang lokal na merkado. (Eileen Mencias)