Opening ng ibang liga mabuti sa PBA – Kume

Malaking bagay ang pagbabalik ng contact sports sa ibang bansa sa isinusulong ng PBA na payagan nang makabalik sa practice facilities ang players.

Nakaporma na ang pagbabalik ng NBA sa July 31, itinuloy na rin ang football tournament sa Germany.

Noong nakaraang linggo, sumulat ang PBA sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases para payagan nang bumalik sa praktis ang players.

Kasama sa inilatag ang guidelines at rules na susundin sa venues.

Kapag tinanguan ng IATF, posibleng bumalik ang liga at maka-salvage kahit isang conference lang sa 45th Season.

“Nakikita nila (IATF) hindi lang NBA, pati EuroLeage, football, ‘yung baseball ‘ata magsisimula na rin. At ang ibang basketball leagues sa China, Korea,” paliwanag ni PBA commissioner Willie Marcial sa online PSA Forum noong Martes.

“Makakatulong ‘yun para ma-convice ang Task Force. Malaking tulong ‘yung mga liga na ‘yun, maliit man o malaking liga, makakatulong sa PBA.” (Vladi Eduarte)