Tuloy pa rin ang bisyo ng mga adik kahit marami na ang napapatay dahil sa droga.

Patunay dito ang sinabi ni Quezon City Police District Acting District Director, Senior Supt. Guillermo Eleazar na kahit tumaas na ang presyo ng shabu, tuloy pa rin sa kanilang bisyo ang mga lulong na sa droga.

Maituturing nang pinakamalaking ope­rasyon kontra iligal na droga ang isinagawa ng QCPD sa Culiat kama­kailan kung ang pagbabatayan ay ang dami ng mga naaresto.

Sa ulat ni Eleazar kay NCR Police Director Chief Supt. Oscar Alba­yalde, aabot sa 145-katao ang naaresto sa tatlong pagsalakay na isinagawa­ sa mga drug den sa ­Salaam Compound.

Kasama pa sa mga nadakip ay isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf at isang hinihinalang drug lord sa Culiat.

Ang tatlong magkakasunod na operasyon ng pinagsanib na Oplan Tokhang at Oplan Galugad ay isinagawa noong September 16, 2016, araw ng Biyernes, ganap na alas-11:30 ng umaga, alas-12:30 ng tanghali at alas-9:30 ng gabi.

Kabilang sa mga sinalakay ay ang dalawang bahay na ginagawa­ umanong drug den at ino-operate nina Hadjirul Abraham sa Lanao Street, at Juraid Sahiddun, hinihinalang Abu Sayyaf member sa Libyan St.

Humantong ang dalawang raid sa pagkakaaresto mismo nina Sahiddun at Abraham na No. 5 sa drug watchlist ng QCPD Police Station 3 at kila­lang distributor ng droga sa Culiat Compound.

Nadakip din ang 91 suspek na nasa akto pa na gumagamit ng shabu habang nagpa-pot session, at 18 rito ay mga babae at pito ang menor de edad na nasa pagitan ng 14 hanggang 17 taong gulang.

Ang ikatlong raid naman ay isinagawa sa isa pang bahay sa Libyan St. na ginagawa ring drug den at ino-operate ni Richard­ Betchayda na kasama sa mga naaresto­, kabilang na ang 53 iba pa. Tulad ng dala­wang naunang raid, may mga menor de edad ding nadatnan na gumagamit ng shabu sa i­katlong raid.

Sa kabuuan,  mula 54 naaresto sa raid na ito, 44 ang mga lalaki, lima ang mga babae at lima ang lala­king menor de edad.

Nakuha sa mag­ha­pong mga pagsalakay ay ang 48 sachet ng shabu, mga drug paraphernalia, mga weighing scale, isang caliber .38 paltik revolver­ na may limang rounds, isang improvised samurai, at tatlong bala ng 9mm.

Kapag nalulong na talaga sa drugs, hindi na mapigilin ang saril­i. Kaya, sa kumukwestiyon sa programa ng ating Pangulong Duterte na pinapatupad ni PNP Chief Dela Rosa na sugpuin itong malalang problema ng ating bansa, o doon sa ayaw maniwala kung gaano kalala ang problema.

Patunay na sa loob pa lang ng isang araw, sa isang raid lang, isang oras lang, 145-katao kaagad ang nahuli sa isang maliit­ na barangay o maliit na lugar, ayon pa kay ­Eleazar.