Inutusan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang anim pang online lender na huminto na sa iligal nitong pagpapautang.

Ito ay ang Batis Loan, Happy Credit, Easy Cash, Wahana Credit & Loan Corp., PesoMama at Light Kredit.

Inisyu ang cease and desist order ng SEC en banc noong October 24 at sakop ng kautusan ang mga ahente nito, representatives, pati na ang mga may-ari ng hosting sites ng mga apps at sinumang kumikilos sa ilalim ng pangalan ng mga kompanya (on behalf of the online lenders).

Sabi ng SEC, hindi rehis­trado ang anim na online len­ders bilang corporation o partnership sa SEC at lalong wala silang lisensiya para magnegosyo bilang lending company at hindi rin sila naghain ng aplikasyon sa SEC.

Nakumpirma ng Enforcement and Investor Protection Department ng SEC ang mga online lenders na ito na nag-a-advertise sa social media. Sa pag-download ng kanilang mga app sa cellphone, nagkaka-access sila sa social media accounts ng mga tao pati na ang mga number at email ng mga nasa contact list nila.

Ginagamit ng online lenders ang mga nakuhang impormas­yon sa pamamahiya ng mga nangutang sa pamamagitan ng pag-text blast sa mga nasa contacts list tungkol sa utang at ang hindi pagbayad nito. (Eileen Mencias)