Isang babaeng opisyal ng bangko at doktor ang pinakahuling nabiktima ng nakawan sa magkakahiwalay na lugar sa Nueva Ecija noong Biyernes.
Dakong alas-sais ng gabi nang matuklasan ni Leticia Villaroman Damasco, 68, miyembro ng board of directors ng Overseas Filipino Bank, na pinasok ng magnanakaw ang bahay nito sa No. 10 Valeriano St., Kapt Pepe Subdivision, Brgy. Zulueta, Cabanatuan City.
Sinira umano ng suspek ang lock ng pintuan sa kusina at natangay ang P40,000 cash at iba’t ibang set ng alahas na hindi pa madetermina ang halaga.
Sa San Jose City iniulat ni P/Supt. Marco A. Dadez na naging biktima ng ‘basag kotse gang’ si Melany Avila dela Cruz, 48, isang doctor, residente ng 220 Tabangay St., Calaocan District, Rizal, Nueva Ecija.
Ipinarada ng doktora ang kaniyang SUV na may plakang CDJ 2791 sa tabi ng Rocco’s Kitchen sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Malasin, San Jose City.
Pagkaraang maghapunan at balikan ang sasakyan ay natuklasan ang basag na bintana sa driver’s side.
Natangay ang bag ng doktora na naglalaman umano ng humigit kumulang sa Ninety Thousand Pesos (P90, 000), passport, mga bank passbook, check booklet at mga dokumento.