Hindi ako makapaniwala sa impormasyong aking nakalap hinggil sa isang mataas na opisyal ng ating gobyerno.
Unang-una, isa siyang babae at higit sa lahat ay hindi mo pag-iisipang gagawa siya ng kamalasaduhan sa harap mismo ng mga mamamahayag.
Pero in fairness sa lady official na ito, hindi naman para sa kanyang personal na pangangailangan ang binuraot niyang mga cellphone kundi para sa kanyang mga staff.
Sa kuwentong aking nasagap, ito raw si lady official na appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte ay dumalo sa isang event sa Malacañang.
Nagkataong nagkakabigayan ng cellphone sa Malacañang para sa isang importanteng aktibidad na iho-host ng ating gobyerno.
May ibang media ang nabigyan ng cellphone. May ilan namang binigyan pero tinanggihan ang bigay na cellphone ng Malacañang sa hindi natin malamang kadahilanan.
Ibig sabihin ang pamimigay ng cellphone ay malinaw na sa mga media lamang na nagko-cover ng Malacañang. Kusang ibinigay at hindi hiningi.
Pero si lady official na animo’y isang maamong tupa ay umepal. Bumulong daw ito sa namamahagi ng cellphone at inihirit ang kanyang mga staff.
Take note, mga staff, hindi isa o dalawa kundi limang staff ang inihingi niya ng cellphone.
Ang nais nating ipunto ay ganu’n siya gumamit ng kanyang impluwensiya. Kumbaga brasuhan na tipong walang dahilan para tumanggi ang isang hinihiritan, bagay na nakakabahala dahil nakatalaga ito sa sensitibong puwesto sa ating gobyerno.
Kung ganyan siya kagarapal sa maliit na bagay, paano pa sa malakihang mga transaksyon? Hindi kaya mas matinding panghaharbat pa ang kanyang ginagawa sa likod ng media, dahil sa harap ng media ay nagawa niya ito nang garapalan?
Wala naman sanang masama kung humingi siya ng cellphone kung talagang ibinibigay ito nang libre pero, Mam, konti namang pino, huwag masyadong garapalan o atribida dahil nakakahiya, lalo na sa kinakatawan ninyong tanggapan ng gobyerno na isang matinong tanggapan na bibihirang maeskandalo.
Sabagay hindi lamang ang opisyal na ito ang naakusahang nanghaharbat, may ilan pang mga opisyal pero mariing tumatanggi sa ibinabatong akusasyon laban sa kanila.
Kaya sa mga opisyal ng gobyerno na tipong may ugaling magpalibre, tumanggap ng regalo o humirit, mag-isip kayo ng maraming beses bago ninyo ito gawin dahil mismong si Pangulong Duterte nga ay hindi tumatanggap ng anumang regalo para hindi maakusahang nagpapasuhol, aba’y dapat ganundin kayo bilang appointee ng Pangulo!