Edwin Balasa

Sumuko sa 39th infantry Battalion ng Philippine Army ang isang opisyal ng New People’s Army (NPA) sa bulubunduking bahagi ng Digos City kamakalawa nang gabi.

Sa ulat ni Lt. Col. Rhojun Rosales, commander ng 39th IB kinilala ang sumukong lider ng NPA na si alyas ‘Ricky’, 38, tubong-Sta. Cruz, Davao del Sur, at supply officer ng Front Committee 51.

Sumuko si Ricky kasunod ng pagkakapatay sa dalawa nitong kasamahan sa isang engkuwentro laban sa mga sundalo ng pamahalaan sa Sitio Lanan, Brgy. Goma ng nasabing lungsod noong Abril 5.

Sinalaysay pa ng sumukong rebelde na napilitan silang maghiwa-hiwalay ng kanyang mga kasamahan sa gitna ng labanan tungo sa iba’t ibang direksyon nang masukol sila ng malakas na puwersa ng militar.

Nagpasya umano siyang sumuko matapos mabatid na napatay ang kanyang lider sa naganap na engkuwentro at dahil na rin sa takot na mangyari sa kanya ang sinapit nito.