Humanga sa galing ng Pilipinas sa pag-host sa 30th Southeast Asian (SEA) Games si Olympic Council of Asia (OCA) vice president Wei Jizhong.
Nagbigay ng papuri ang opisyal sa Pilipinas sa maayos na pag-organisa ng 30th SEA Games.
Ayon kay Wei, naniniwala siya na kayang-kaya ng Pilipinas na magsagawa pa ng mas malaking sporting event matapos makita ng personal ang maayos at sistematikong pag-organisa ng SEA Games.
Dagdag pa ni Wei sa press conference nitong Lunes, ang slogan na ‘We Win as One’, hanggang sa fan engagement at sa matapat na pag-amin sa responsibilidad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naunang aberya ay mahalagang bagay upang maging maayos ang pag-organisa sa SEA Games.
“The gold medal is not the only target of the Games and the most important thing is the friendship and we are working for a better future afterwards,” ani Wei.
Sinabi pa ni Wei na ito ang unang pagkakataon na makakita siya ng isang leader na humingi ng paumanhin sa tao sa mga aberya ng naranasan ng mga delegadong atleta mula sa ibang bansa.
Matatandaang humingi ng dispensa si Duterte pati na rin si House Speaker Alan Peter Cayetano, pinuno ng organizing committee, sa pagkakamali na naganap at nangako na aayusin ito.