Opisyal ng PNP inambus sa Calamba

Sugatan ang isang opisyal ng PNP matapos itong pagbabarilin habang sakay ng kanyang kotse sa Calamba City, tanghali ng Lunes.

Kinilala ang biktima na si PCapt. Christopher Geronimo na ngayon ay nasa kritikal na kalagayan.

Batay sa report ng Calamba City police, galing ang biktima sa PNP Regional Headquarters sa Camp Vicente Lim nang tambangan ng mga suspek na sakay ng isang hindi natukoy na sasakyan bandang alas-11:45.

Patungo ang biktima sa Silangan Exit ng SLEX at minamaneho ang kotse nitong Toyota Vios nang ito ay pagbabarilin.

Agad itong isinugod sa Global Medical Center at isinasailalim pa sa operasyon.

Tumakas naman ang mga hindi nakilalang salarin matapos ang pamamaril.
Sugatan din ang driver ng isang tractor truck matapos mahagip ng mga ligaw na bala.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. (Ronilo Dagos)