Inaabangan sa Kamara ang resulta ng Oplan Isnabero sa mga taxi drivers na ipinangako umano ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra.
Ayon kay ACT-OFWs party-list Rep. John Bertiz, nararapat lamang na bigyan na rin ng araw-araw na atensyon ng LTFRB ang problema sa mga taxi drivers na namimili o kaya nangongontra ng pasahero.
“Abangan namin sa loob ng isang buwan ang resulta ng iyong Oplan Isnabero,” ani Bertiz na nagsabi na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang malimit na biktima ng mga isnabero at nangongontratang taxi drivers.
Maliban dito, kailangan ding ipatupad ng LTFRB ang disiplina sa mga taxi drivers na kahit naka-short at tsinelas lamang ay nakakapamasada, hindi aniya magandang tingnan para sa mga turista.
“Ipalinis mo sa mga taxi operator ang lahat ng pumapasada na taxi. Pagbihisin mo nang maayos ang lahat na taxi driver. Paalahanan ang bawat taxi driver na maging magalang at matulungin at mapagkumbaba sa pasahero,” ayon pa kay Bertiz.