OPM binabaon ng K-Pop, mga music app

Malaking hamon para sa Original Pilipino Music (OPM) ang bagong mundong ginagalawan nito sa larangan ng musika sa kasalukuyan dahil na rin sa makabagong teknolohiya at mga bagong ­music genre mula sa mga ­dayuhan.

Kabilang ito sa mga tinalakay sa isang pagti­tipon ng mga OPM artist sa Coconut House Circle sa Quezon Memorial ­Circle, Quezon City noong ­Biyernes na pangunahing dinaluhan ng mga beterano o itinutu­ring na ­alamat na sa musikang Pinoy na sina Heber Bartolome, Mike Hanopol at Resty Fabunan.

“Nagiging masyado tayong tumatangkilik sa mga dayuhan, hindi naman masama, pero ‘wag lang nating kalimutan ang sariling atin,” ayon kay Bartolome, isang propesor, makata at lider ng Banyuhay na gumawa ng mega-hit na “Tayo’y Mga Pinoy” at “Nena.”

Naniniwala naman ang Pinoy rocker na si Gary Perez, gitarista ni Sampaguita, na umu­ulit-ulit lamang ang mga musika at wala naman ­aniyang nabago kundi meron lang idinagdag.

Sa pananaw naman ni Prof. Edru Abraham Jr., nagtuturo ng music sa University of the Phi­lippines, iba na talaga umano ang kalakaran ng mga kabataan ngayon dahil na rin sa mga bagong communication device kung kaya’t may sariling mundong ginagalawan ang mga ito pagdating sa musika.

Wala aniyang pakialam ang mga kabataan ngayon o hindi masyadong binibigyan ng halaga ang mga dating musika dahil na rin sa mga dayuhang musika katulad ng K-Pop at iba pa.

Idinagdag pa ni Abraham ang makabagong teknolohiya na hatid sa mundo ng musika katulad ng mga music apps na Spotify at YouTube na sinusubo na lamang sa mga millennial ang iba’t ibang awitin.
Malaking hamon aniya ito sa lokal na musika.

“You have to attempt to penetrate where they are, their consciousness in their communication devices. Hindi na uso ‘yung sila ang papupuntahin mo sa’yo, upang ipakinig ang musika, ikaw mismo ang dapat pumunta para sa kanila. At hindi naman dapat i-blame ang audience dahil nand’yan lang sila upang makinig,” ayon pa kay Abraham.

“Ewan ko, kasi mahirap naman na magbago pa ng style, kasi du’n na kami nakilala. Ganu’n din naman sa iba ‘di na rin sila dapat sumabay pero kung gusto nilang mag-record, nagagawa naman nila. Dito lang sa atin ang mahirap dahil nga sa liit ng market at kulang din sa suporta,” pahayag naman ni Fabunan. (Romy Buen)