Sinampahan ng kaso kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang isang Cebu-based optometrist na umano’y nagpakalat ng fake news tungkol sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 na naging dahilan din ng pag-panic ng publiko.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, sinampahan na ng pulisya ng kaso ang suspek na si Josephil Brian Consuelo, isang optometrist mula sa Mandaue City na naaresto nitong nakaraang Huwebes.
Sa imbestigasyon at beripikasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group, ang suspek ay napatunayang author ng Facebook post hinggil sa isang umanoy COVID-2019 patient na namatay sa University of Cebu Medical Center (UCMed).
Napag-alaman na nagsagawa ng fast checking ang Regional Anti Cybercrime Unit ng Central Visayas upang berepikahin ang nasabing impormasyon at napatunayang fake news ang ulat na pinatunayan naman ng Human Resource at Legal Officer ng UCMed.
Ayon naman kay PNP-ACG chief Police Brig. Gen. Dennis Agustin, sinampahan na nila ng kaukulang kaso ang suspek. (Edwin Balasa)