Sabi nga ng kasabihan, ‘in every success of a man, there’s a woman behind.’
Sa lahat ng pinagdaanan ni four-division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, tagumpay man o kabiguan, palaging nasa tabi niya ang mapagmahal at supportive na misis na si Rachel.
At sa pinakahuling pagkatalo ni Donaire laban kay Irishman Carl Framtpon Sabado ng gabi sa Belfast, Ireland para sa WBO interim featherweight crown, hindi iniwan ni Rachel ang kanyang mister. Sa katunayan, ito pa ang nagsasabing lalaban pa ang kabiyak pero kailangang bumaba ito ng weight classification.
“This experience, even though it sucks to lose, let’s be honest, it’s a telling story that we don’t belong in the featherweight division,” wika ni Rachel. “It’s better to realize now than getting hurt.”
Nauna nang sinabi ni Donaire, 35, na magpapatuloy siyang lumaban pero bababa siya ng timbang dahil nahihirapan siya sa 126 pounds.
Nakatikim si Donaire ng unanimous decision loss kay Frampton, 117-111, lahat sa tatlong hurado kung saan ay dinomina siya ng Irishman sa kabuuan ng kanilang 12-round bout. (Ferdz Delos Santos)