Origami sa peace talks

Nagsabit sa net ng origami o ibon na gawa sa papel ang isang babae na dumalo sa ‘Origami for Peace’ event na ginanap sa World Peace Bell sa Quezon City Memorial Circle kahapon para isulong ang peace talks ng gobyernong Duterte at mga rebeldeng komunista at ipanawagan na palayain ang mga political prisoners sa bansa. (Mike Taboy)

Humihingi ng tulong ang mga makakaliwang grupo o ang tinaguriang ‘pulahan’ sa kanilang mga kasamahan sa Kongreso na suportahan at itulak ang peace talks sa National Democratic Front (NDF) para masimulan na agad ito.

Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang apela sa mga kasamahan nito sa Kongreso kasabay ng kanilang inilunsad na “Origami for Peace…A hundred peace birds for just and lasting peace” na ginanap sa World Peace Bell sa Quezon City Memorial Circle kahapon ng umaga.

Layunin ng pagkilos na manawagan sa gobyernong Duterte para simulan na ang peace talks sa mga rebeldeng komunista at palayain ang may 519 political prisoners sa bansa.

Nanawagan din si Zarate sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na lumagda sa kanilang inihaing resolusyon para mapabilis ang pagsisimula ng peace talks.