KINAGAT si Orlando Sol ng KA-BROMANCE niya sa VIDEOSERYE ng awiting Kailan Darating ang Ayoko Na? na si Blumark Roces.

Ang nasabing kanta ang carrier single sa solo album ni Orlando sa Star Music na Emosyon.

Sexy actor at dating miyembro ng grupong Masculados si Orlando na alaga ng Productions 56 ni Direk Maryo J. delos Reyes.

Si Blumark ay kagrupo niya dati sa sing and dance boygroup na M-Gage.

Matagal nang tahimik na naninirahan si Blumark sa Bohol. Na-excite ito nang kunin ni Direk Maryo para sa nasabing project kaya mabilis itong umoo.

‘Yun pala ay may kissing scene with Orlando dahil ang kuwento ay iniwan si Orlando ng nobya nito, tapos ay na­ging karelasyon nito ang male best friend na bisexual.

Napaisip si Blumark kung kaya niyang maki­paghalikan sa kapuwa niya lalaki.

Eh naka-oo na siya, so inisip na lang niya na si Orlando naman ‘yon na parang kapatid na niya.

At saka si Direk Maryo ang direktor ng videoserye, so pumayag din siya.

Natatawang sey ni Blu, kinabahan siya pero masaya naman.

Hirit ni Orlando, “Ginawa mo naman. Ang sarap mo nga humalik, eh!”

Sundot pa ni Orlando, ginalingan ni Blu at na­ngangagat pa ito.

Game na tsika ni Blu, hindi lang lower lip ni Orlando ang kinagat niya kundi inikot niya ‘yung buong labi nito.

Hindi lang kissing scene kundi may love scene din si Orlando with Blumark at sa kapareha niyang babae na si Catherine Rem (dating Catherine Remperas ng PBB).

Nahirapang sagutin ni Orlando kung sino ang good kisser kina Blumark at Catherine.

Hirit ni Blu, siya dahil natulala si Orlando sa halik niya. Buwelta ni Orlando, kinakagat kasi ni Blu ang labi niya at hindi siya makaganti.

Balak ba ni Blumark na tawagin siyang Kagat King kaya kinagat-kagat niya ang labi ni Orlando?

Sagot ni Blu, pinag-usapan nilang dalawa ‘yon na ibigay na nila lahat para take one lang.

Kwela ‘yung dayalog niya na NANGGIGIL siya kaya hindi niya sinasadyang makagat si Orlando.

First time niya raw kasi ‘yon na makahalik ng lalaki. Nakakagigil daw pala, kaya nakagat niya si Orlando.

Biro pa ng pil­yong si Blumark, matagal na niyang pinagnanasaan si Orlando na nakasama niya dati sa iisang bahay.

Hindi raw sila naliligo nang sabay, pero mga naka-briefs lang sila sa bahay at walang malisya.

In fairness ay hindi raw siya ba­ding at meron siyang girlfriend.

Eh ngayong na-try na niya ang lalaki at nanggigil pa siya, medyo nag-iba ba ang pananaw niya?

“‘Yun nga, napapaisip ako, eh. Masarap pala si Orlando! Ha! Ha! Ha! Pero naisip lang, hindi ko naman gagawin ‘yon,” natatawang sagot sa amin ng nakakaaliw na si Blumark.

***

Hindi makapaniwala si Orlando na meron na siyang solo album.

Ayon sa manager-mentor niyang si Direk Maryo J. de los Reyes, Hugot King ang gustong ibigay na title ng Star Music kay Orlando dahil panay hugot ang songs nito.

Ang nasabing video­serye (o online drama series) ay collaboration nina Direk Maryo with Star Music na siyang nag-isip ng promo strategy para sa Emosyon album.

Sa halip na the usual music video ay video­serye ang ginawa nila na parang short film na may dayalog.

Ang platform ay ang YouTube channel ng Star Music.

Wala raw kinalaman si Direk Maryo sa kaba­dingang tema ng istorya (na based on a true story) dahil ito ‘yung nanalo sa pa-contest ng MOR 101.9 na FM radio station ng ABS-CBN.

Ang unang bahagi ng 5-part videoserye ng Kailan Darating ang Ayoko Na? ay ipinalabas kagabi sa Star Music YouTube channel at ang karugtong ay sa apat na magkakasunod na Biyernes, 6:00 PM.

Nakasawa na ng da­ring films si Orlando na may man-to-man intimate scenes kaya hindi na ito bago sa kanya.

Ayon kay Direk Maryo, kahit may mga ganu’ng eksena ay hindi malaswa ang videoserye dahil puwede itong mapanood ng mga bata online.

Aniya, siniguro niyang kung hindi shortened ay darkened ang maseselang eksena. May subtlety dahil alam niya ang standards of decency.

Ang isa pang hugot song sa album ni Orlando ay ang Ingatan Mo ang Salitang Mahal Kita.
Pambagets ang nag-iisang English track na I’ll Always Be There, pangnanay ang Lilipad Ako Nay at pam-friend ‘yung Kaibigan.

Puwede nang i-download ang Emosyon sa Spotify, iTunes and Apple Music at malapit na rin itong mabili sa record stores sa hala­gang P199.