Oslo round ng GPH-NDF peace talks ipinagbunyi

ndf-peace-talks-afp

Ipinagdiwang ng mga militanteng grupo sa Mababang Kapulungan­ ng Kongreso ang inisyal na tagumpay ng unang bahagi ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF) sa Oslo, Norway.

Pagkatapos maiulat na pumayag ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ay agad na nagsagawa ng pagdiriwang ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list na kinakatawan ni Rep. Antonio Tinio.

“This is to commend and show appreciation for both the Government of the Philippines (GPH) and the National Democratic Front of the Philippines (NDFP) for ha­ving a fruitful conclusion of the peace negotia­tions started last August 22 and will end today with substantial agreements aimed at accelerating the entire peace process bet­ween the two parties,” ­ayon sa grupo ni Tinio ukol sa kanilang symbolic­ action.

Kasama sa napagkasunduan sa Oslo, Norway na bigyan ng amnestiya ang may 500 political prisoners sa bansa lalo na ang mga matatanda na ayon kay Tinio ay magandang simula para­ magtuluy-tuloy na ang peace talks.

Masayang-masaya naman si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa napagkasunduan ng mag­kabilang panig dahil mauugat na umano ng mga ito ang tunay na dahilan ng armed conflict sa bansa.

“Ito na ang simula para maresolba ang tunay na ugat kung bakit nagkaroon ng armed conflict sa ilang dekadang nagkaraan,” pahayag ni Zarate at umaa­sang hindi na ito hahadlangan ng mga grupong kontra na magkaroon ng kapayapaan sa bansa.

Nauna rito, nagkasundo ang Philippine government at NDF sa tinalakay na 6-point major agenda kung saan naging katanggap-tanggap at maayos ang itinakbo ng apat na araw na pag-uusap.

Naging tampok sa bawat round ng pag-uusap ay ang indefinite ceasefire declaration na deklarado na ng dalawang panig kasabay ng pag-arangkada ng peace process.

Sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus G. Dureza na ang Oslo round ay maituturing na milestone sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

“Not only has President Duterte walked the extra mile. He has also taken a step back to give the NDF space under his democ­ratic and inclusive government. We will go home with a promise of a just and lasting peace and our soldiers and the combatants of the NDF finally coming to terms that the war must end,” ayon kay Dureza.

Ikinatuwa rin ni Dureza na walang naganap na sigawan o mainitang pagtatalo sa negosasyon, bagkus naging masaya at nagkaroon pa ng mga biruan kaya hindi naiwasan ang tawanan sa loob ng Holmenkollen Park Hotel.

Ayon kay Dureza, tinapos daw ang negosas­yon sa pamamagitan ng isang boodle fight dinner kasalo ang host government na Royal Norwegian Government (RNG) na kuntento raw at masaya rin sa makasaysa­yang takbo at konklusyon ng Oslo round.