Ospital `di pwedeng ipasara na lang ng mayor – DILG

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na walang karapatan ang mga local government unit (LGU) na magpasara ng mga ospital sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sinabi ito ng kalihim kasunod na rin ng kautusan ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr. na ipasara ang isang ospital sa kanilang lungsod matapos na tumanggap ng isang COVID-19 patient at tatlong person under investigation (PUI) mula sa Quezon City.

Ayon kay Año, hindi maaaring ipasara ng isang alkalde ang isang pagamutan lalo na ngayong kailangang ng bansa ang mga pagamutan para sa mga COVID-19 patient.

“Hindi pupuwede ‘yon. May mga procedure naman tayo kung papaano iha-handle ‘yong isang PUI o positive COVID patient. ‘Yan ay global problem, hindi pupuwede ‘yong ‘babakuran namin ito. Lalo ngayon kailangan natin ang lahat ng Level 2, Level 3 hospitals, may atas ang DOH na ready silang tumanggap ng COVID patients,” paliwanag pa ni Año sa panayam.

Giit ng kalihim, sakaling hindi pabor ang isang opisyal sa ilang polisiya ng isang pagamutan dapat siyang maghain ng reklamo sa halip na ipasara ito. (Dolly B. Cabreza)