Idinaing ng mga kaanak ng isang namayapang newsman ang kawalan ng sapat na kagamitan sa Quezon City General Hospital sa Cabanatuan City na nagpalubha umano sa kalagayan nito at humantong sa kamatayan noong nakaraang araw ng Martes.
Binawian ng buhay si Emmanuel ‘Manny’ Galvez, provincial correspondent ng Philippine Star para sa Nueva Ecija at Aurora, dakong alas-kuwatro ng hapon noong Mayo 16 habang nasa intensive care unit ng QCGH.
Si Galvez, 48, past president ng Nueva Ecija Press Club Inc., ay nakaranas umano ng stroke noong Mayo 8 at naisugod at na-comatose sa naturang pagamutan.
Ayon sa nakatatandang kapatid na si Ria, dapat sasailalim sa CT scan ang pasyente para mabatid kung ano ang kalagayan ng utak nito pero sira umano ang CT scan machine sa QCGH.
“Hindi naman daw puwedeng sa labas ipa-CT scan dahil naka-ventilator. Pati x-ray machine sira po, para malaman kung may pneumonia sana siya,” pahayag nito.