Wala umanong dapat sisisihin ang mga talunang kandidato mula sa Otso Diretso kundi ang kanilang pagiging ipokrito kaya sila nabigong makakuha na kahit isa man lang na puwesto sa Senado nitong nakaraang midterm elections.
Ginawa ng Davao City mayor ang pahayag sa kanyang Instagram account kung saan inihayag niya ang lubos na kagalakan matapos na 9 sa 13 senatorial bet na suportado ang kanyang partidong Hugpong ng Pagbabago ang lumusot sa katatapos lamang na halalan noong isang linggo.
Paliwanag ni Mayor Sara, hindi umano bumenta sa mga botante ang gimik ng Otso Diretso tungkol sa isyu ng ‘honesty’ o pagiging matapat dahil nagmukha lamang umano silang mga ipokrito.
“PS. Thank you Black Hole for falling into the honesty trap because you are not,” ani Mayor Duterte.
Dagdag pa ni Mayor Duterte sa mga natalong kandidato ng oposisyon, hindi papatawarin ng taumbayan ang kanilang kaipokritohan matapos nila umanong sabihin na sila lamang ang malinis na grupo.
“People are not forgiving of hypocrisy,” saad ng Presidential daughter.
Una nang iginiit ni Mayor Sara na wala umanong kapasidad ang Otso Diretso upang gamitin ang isyu ng pagiging matapat laban sa mga kandidatong sinuportahan ng HNP dahil gawain din umano ng oposisyon na baluktutin ang tunay na katotohanan. (JC Cahinhinan)