Isang outpost ng militar ang pinasabugan kahapon sa bayan ng Pikit, North Cotabato sa rehiyon ng Mindanao.
Walang iniulat na sugatan sa naturang atake na naganap sa Barangay Fort. Nabatid na dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang nasa likod ng pagsabog.
Agad namang tumakas ang mga salarin, ngunit hindi pa mabatid kung sino o anong grupo ang nasa likod nito. Pinaghahanap na umano ng pulisya ang mga suspek.
Wala namang umako sa atake, ngunit ang lugar ay kilalang kuta ng rebeldeng New People’s Army (NPA) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na ilang beses na ring nasangkot sa iba’t ibang karahasan.
Tikom naman ang bibig ng mga opisyal ng militar sa nasabing atake dahil nalusutan na naman sila ng mga masasamang-loob sa kabila ng pagpapairal ng Martial Law sa buong Mindanao.