Hindi ko maintindihan ang magkakasunod na kapalpakang nangyayari sa web-based newswire service ng gobyerno ang Philippine News Agency (PNA).
Alam kong matagal na ang PNA at hindi ito perpekto kahit noon pa man. Pero bakit tila ngayon lang naglalabasan ang mga ‘kapalpakan’ nito?
May sumasabotahe ba sa loob ng PNA kung saan ang target ay ang namumuno ng tanggapan na si Presidential Communications Operations Office (PCOO) na si Secretary Martin Andanar?
Nakakapagtaka lang kasing ngayong panahon lang nangyayari ang pagbalandra ng mga kapalpakang ito sa PNA.
Hindi kaya mayroon lang may hindi gusto sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng PNA, kaya may mga ganitong nangyayari.
Kung ganun man, ang payo ko ay marapat lamang na umalis na sila dahil hindi lang ang PNA ang sinisira nila kundi maging si PDu30.
Bakit din kapag may pagkakamali ang mga staff ng PNA ay si Sec. Martin agad ang puntirya ng mga batikos?
Hindi ba puwedeng kaladkarin muna ang mismong nasa loob ng PNA, bago lumabas ng bakuran?
Sa nangyayaring ito ay tila tuloy napapaisip ako na mayroong ‘taga-loob’ ng PNA na sadyang naninira kay Sec. Andar, gusto ba nila itong mapalitan?
Nakakataas ng kilay lang talaga ang mga pangyayari at nakakapagtaka ang mga milagro sa loob ng PNA.
Sa tinagal tagal na ng PNA sa sirkulasyon, at sa tinagal-tagal na ng mga tauhan at staff ng PNA sa organisasyon ay ngayon lang sila pumalpak?
Take note, ang mga staff ng PNA ay mga taong gobyerno na dati nang naroroon. Bakit tila ngayon ay pinapalaki ang sunog?
Kaya ang payo natin kay kay Sec. Martin, ingat-ingat lang,baka ang mga kalawang sa loob ay may ‘nagpapakain’.
Kung totoo ang ating hinala may sabotahe dito, kailangang makilala agad at mabigyan ng leksiyon dahil ang sinisira nila ay hindi tao kundi ang institusyon.
Nagkakamali yata ang mga may pakana ng kapalpakang ito dahil hindi ninyo kakayanin ang mga nagawa ni Sec. Andanar gaya ng pagpapatupad ng FOI at pagtugis sa mga pumatay at mananakot man lang ng mga mamamahayag.