Panahon na umano­ para balasahin ang ­Philippine Olympic Committee para sumunod namang mapaganda ang takbo ng Philippine Sports.

Ayon kay bagong PBA chairman ­Mikee Romero, owner ng GlobalPort, panahon na para isulong ang pagbabago.

Dapat na umanong hayaan ng mga namumuno o nakaupo na gumana ang democratic path.
Hindi lang nagbanggit­ ng pangalan ang 1Pacman party-list representative, pero tumbok nito ang napipintong eleksiyon sa panguluhan ng POC.

Tatakbo para humirit ng pang-­apat na four-year term si incumbent POC president Peping Cojuangco sa elek­siyon sa Nob. 25.

Na-disqualify sa pagtakbo si Ricky Vargas ng ABAP dahil sa isyu ng ­‘active membership’ at kahit napipin­tong dumulog ang kampo nito sa korte para magpasaklolo ay mukhang walang makakapagbigay ng magandang challenge kay Cojuangco.

Ang PBA ay miyembro ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na isa sa national sports associa­tions. Ang chairman ng SBP ay si Al Panlilio, ang PBA governor ng Meralco.

“It’s time to overhaul POC, and it’s time to overhaul Philippine sports,” giit ni Romero sa PBA preseason press conference sa Makati­ Shangri-La kahapon. “Maawa na po tayo sa ating Philippine sports.”

Noong nakaraan ay sixth ang Pilipinas sa Southeast Asian Games, baka raw sa susunod ay No. 10 na. Pababa, hindi­ pataas ang kalidad.