Overhaul sa Immigration itinulak sa Senado

Nagsampa kahapon ng reklamo sa tanggapan ng Ombudsman si dating P/Supt. Wally Sombero laban sa dalawang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration na sina Al Argosino at Michael Robles na umano’y nangikil sa casino tycoon na si Jack Lam. (Mike Taboy)

Iginiit ni Senate President Pro-Tempore Franklin M. Drilon ang malawakang reorganisasyon ng Bureau of Immigration (BI) bunsod ng kurakutan na kinasasangkutan mismo ng high-ranking officials ng ahensiya.

Inihain ni Drilon ang Senate Resolution No. 256 upang atasan ang Committee on Civil Service and Government Reorganization na pag-aralan ang posibleng reorganisasyon ng ahensiya upang maibalik ang tiwala ng publiko sa BI.

“There is a pressing need to confront and address the systemic and institutional weaknesses that make the BI susceptible to corruption,” diin ng senador.

Nitong mga nagdaang araw ay naging sentro ng kontrobersya ang BI dahil sa corruption na kinasangkutan nina Associate Commissioners Al Argosino at Michael Robles, na naakusahang nangikil ng P50 milyon kay Chinese gambling tycoon Jack Lam.

“The brazen act of corruption allegedly committed by high-ranking immigration officials bolsters the perception of a deeply entrenched culture of corruption in the BI,” paliwanag ni Drilon.

Ayon pa sa senador, ang kontrobersyang kinasangkutan ng mga matataas na opisyal ng BI ay malaking hamon sa administrasyon ni Pangulong Duterte na nangakong hindi magkakaroon ng corruption sa kanyang administrasyon.

Isinusulong ni Drilon na magkaroon ng mahigpit na pamantayan sa pagpili ng opisyal ng gobyerno at mahigpit na sistema sa pagdisiplina sa mga empleyado.