Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng isang 26-anyos na binatang company driver ng isang bangko matapos barilin at mapatay ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa isang insidente ng vehicular accident sa southbound lane ng EDSA-Estrella sa Makati City pasado alas-nuwebe ng umaga nitong Biyernes.
Nabatid na may nabangga umano na kotse ang biktimang si John Dela Riarte, taga-Novaliches, Quezon City, na noo’y sakay ng kanyang motorsiklo habang papasok sa bago nitong trabaho bilang company driver ng isang bangko sa Makati City.
Inabutan umano ng mga tauhan ng PNP-HPG si Dela Riarte na nagwawala at hinahampas ng helmet nito ang kotse. Inawat umano ito ng mga awtoridad subalit nagbanta pa na mamamaril at tinangkang agawin ang baril ng isang pulis.
Nakontrol naman ng mga awtoridad ang biktima saka pinosasan umano at isinakay sa mobile car. Pero habang nasa loob na ng sasakyan ay tinangka umanong manlaban muli ng biktima kaya napilitan ang mga pulis na barilin siya.
“Overkill!” ganito naman ang ipinahayag ni Robert Dela Riarte, kapatid ng biktima, nang makapanayam ng TONITE kagabi.
Tiniyak ni Robert na hahanapan nila ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang kapatid sa kaduda-dudang sitwasyon. Dalawang pulis na sangkot umano sa insidente ang natukoy nila sa inisyal na report ng HPG na sina PO2 Manon-Og at PO3 De Villa.
Nagtataka rin si Robert kung bakit nawala na sa eksena ang may-ari ng kotse na sinasabing nabangga matapos ang nangyari sa kanyang kapatid.
“P02 Manon-Og P03 De Villa…Bakit nyu kelangan barilin kapatid ko? Nakaposas na diba?
Bakit babarilin nyu pa? Pwede naman stun gun nyu.. Talian nyu pa.. sugatan nyu.. pero patayin agad? Na orient ba kayo kung paanu ang tamang pag aresto? Ganyan ba inuro sa inyu? Kahit ako I will fight back kung sinuntok nyu muna ako tapos aarestuhin nyu at may pinaglalaban. Hindi kriminal ang kapatid ko para patawan nyu ng shot to kill..” ayon naman sa Facebook post ni Robert.
Nanawagan din ito sa publiko para tulungan sila upang malinawan ang buong insidente na nangyari umano sa pagitan ng alas-nuwebe hanggang alas-10:00 ng umaga noong Biyernes (Hulyo 29).
“If anyone in you have videos, cctv, pictures, please help us have it. We will seek for truth. My brother is not addicted by illegal drugs..he is just sweet and happy kind person. How come they have to kill him,” ani Robert.