Umatake muli ang vigilante group sa Caloocan City at magdamag na sinuyod ang lungsod na sinundan ng pagbulagta ng apat na kataong sinasabing sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

Sa ulat ni PO3 Edgar Manapat ng Caloocan City Police, ala-1:30 ng madaling-araw nakiki­pagkwentuhan ang isa sa mga biktimang nakilalang si Johan Michael Macavinta, 29, ng Baltazar St., Barangay 49 ng nasabing lungsod sa kanyang kinakasamang si Richard Cardona sa gilid ng isang creek sa PNR Railroad track, Barangay 21 nang dumating ang dalawang kalalakihang nakasuot ng itim na bonnets at face mask na lulan ng motorsiklo at pinaulanan ng bala si Macavinta bago tumakas.

Agad na nasawi ang biktima na sinasabing sangkot sa iligal na droga sanhi ng tatlong tama ng bala.

Alas-10:00 naman ng gabi, nakikipaglaro ng billiards si Aristotle Bayad, 30-anyos, ng Phase III, Dela Costa II, Barangay 179 ng nasabi ring lungsod nang dumating ang apat na hindi pa rin nakikilalang mga suspek na nakasuot din ng bonnet at face mask at paputukan ito gamit ang isang M-16 armalite rifle at .45 caliber na baril na agad ding nasawi.

Ganap namang alas-nuwebe ng gabi, pauwi si Pedro Palma ng Robis I, Area I, Barangay 176, Camarin ng nasabi ring lungsod nang harangin ng dalawa ring suspek na ka­tulad din ng deskripsiyon ng mga naunang salarin sa Laforteza Subdivision at paulanan ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan nito na agad din niyang ikinasawi.

Nasa loob naman ng bahay noon ng kaibigan sa Barangay 168 ng nasabing lungsod si Mark Ocampo, 33-anyos, isang tricycle driver at ng Block 15, Barangay 176, Bagong Silang nang pasukin ng apat na mga kalalakihang armado rin ng mga baril at paputukan ito sa ulo at katawan na agad din niyang ikinasawi.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang apat na nasawi ay pawang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa lungsod.

Samantala, tatlo pang kalalakihan ang nasawi sa engkwentrong nangyari sa pagitan ng Las Piñas City Police sa isang checkpoint kahapon ng madaling-araw.

Napag-alaman kay Las Piñas City Police Chief Sr. Supt. Jemar Modequillo na lulan ang mga suspek ng isang AUV nang parahin ng mga awtoridad sa isang checkpoint sa kanto ng Real St. at Naga St. pero sa halip na huminto ay umabante at dahilan upang magkaroon ng habulan at palitan ng putok na nagresulta sa kamatayan ng tatlo sa may Barangay Pulang Lupa Uno sa nasabi ring lungsod.

Nang siyasatin ang bangkay ng mga suspek ay tumambad ang isang .38 caliber, 9mm pistol at shotgun.

May natuklasan ding bangkay ng salvage victim na nakabalot ng packing tape na may naka­bulsang ilang pakete ng shabu.

Hinala ng pulisya, itatapon ng mga suspek ang bangkay nang maisaptan sa checkpoint.