Aminado ang ilang Grab drivers na tumaas ang singil nila sa pasahe dahil sa ipinataw ng suspensyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Uber.

Pero iginiit ng Grab drivers na hindi naman sa kanila napupunta ang sobrang singil na ipinataw kundi sa Grab.

Sa totoo lang marami ta­yong kakilala ang nagrereklamo sa tila pagsasamantalang ginawa ng Grab. Mantakin mo nga namang halos madob­le ang dati nilang singil sa mga pasahero.

Matatandaang ang na­ging tugon kamakailan ng LTFRB sa reklamong ito ay mag-refund. Masyado itong matrabaho para sa mga pasahero.

Bakit hindi pa kayang maglabas ng direktiba ng LTFRB sa pagsasamantalang ito ng pamunuan ng Grab?

Malinaw na pagsasamantala ang kanilang ginagawa at walang pinagkaiba ito sa mga negos­yanteng nag-o-overprice ng kanilang produkto.

Kaya baka naman gustong kumilos ng LTFRB sa problemang ito.

Maraming pasahero ang apektado sa pangyayaring ito na walang panahong magreklamo kaya pikit mata na lamang na nagbabayad sa sobrang taas ng singil sa kanila ng Grab.

Hindi naman tamang sa tuwing masususpendi ang Uber ay ganito na lamang ang mangyayari na maningil ng sobra-sobra sa kanilang mga pasahero ang mahigpit nitong katungga­ling Grab.

Aba’y para talaga ninyong kinakampihan ang Grab sa ginagawa nilang pagsasamantala dahil napakalabong polisiyang nais ninyong ipatupad laban sa ginagawa nilang pagsasamantala.

Ipakita n’yo namang protektado ninyo ang mga pasahero sa kamay ng mga abusadong transport group.