Nasa P12.3 million halaga ng personal protective equipment para sa mga health worker na nasa frontlines ang nakatakdang ipamahagi ng Office of the Vice President (OVP).

Sa isang Facebook post, sinabi ni Robredo na P5.9M ay mula sa 2020 budget ng OVP habang ang P6.4M ay mula sa donasyon ng Kaya Natin Movement.
Ang unang batch ng PPE ay sinimulan nang ipamahagi kahapon ng OVP sa may 1,000 frontliners.

“Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng aming opisina sa Department of Health (DOH) upang matukoy kung aling mga ospital ang kailangan i-prioritize na mabigyan ng karagdagang PPEs,” pahayag ni Robredo.

Una nang sinabi ng DOH na ang isang set ng PPE ay nagkakahalaga ng P1,500 kabilang na dito ang headgear, goggles, N95 mask, gloves, apron at gown at nasa P7.5M ang kailangan para sa may 5,000 frontliners. (Eileen Mencias)