Hinarang ng mga pulis at mga medical personnel na nagmamando sa isang checkpoint ang isang bus na may sakay na mga balikbayan sa Cabuyao City, Laguna noong Miyerkoles ng hapon.

Nagulat ang mga nasa checkpoint nang lumabas buhat sa SLEX Cabuyao exit ang bus na may karatulang OWWA.

Agad itong hinarang at bumaba naman ang isang nagpakilalang empleyado ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon dito, galing sa airport ang bus at may sakay na dalawang galing abroad at ang ibang sakay ay mga papaalis sana na hindi umano natuloy ang flight.
Subalit nang akyatin ng mga awtoridad, natuklasan na ang 12 sakay ay panay galing sa ibang bansa.

Ang mga ito ay mula sa mga bansang – Taiwan-2 , Japan-1, Qatar–2, Thailand-1, Hongkong-1, Dubai-3, Bahrain-2, Macau-1, at papauwi sa kani-kanilang bayan sa Cabuyao, Los Baños, Lucena City, at ilang bahagi ng Batangas.

Ang mga ito ay point to point na inihahatid ng mga taga-OWWA sa mga designated area kung saan susunduin naman umano ang mga ito ng kanilang mga kaanak.

Pinigil muna ang bus at isa-isa kinuha ang record ng mga pasahero at ang kanilang eksaktong mga address at destinasyon.

Kinuhanan din ng mga temperature ang mga pasahero at tiniyak na walang may sintomas sa mga ito ng COVID-19.

Nasermunan din ng mga pulis ang mga kasamang taga-OWWA dahil sa pagisinungaling at pagbibiyahe nang walang koordinasyon sa mga awtoridad.
Katuwiran ng mga taga-OWWA, nalito lang daw sila kaya nasabi na dalawa lang sa mga sakay ang galing sa abroad. (Ronilo Dagos)