Itinuro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang may responsibilidad para maiuwi ang mga labi ng Pinay nurse na may tatlong buwan na sa freezer ng morgue sa Jeddah, Saudi Arabia.

 

Nakipag-ugnayan kahapon ang Abante Tonite kay OWWA Deputy Administrator Arnell Ignacio tungkol sa kaso ng Pinay nurse na si Evelyn Corpuz y Rivera, 60-anyos, dahil na rin sa kahilingan ng anak nitong si Vimar Corpuz na maiuwi na sa bansa ang mga labi ng kanyang ina na pumanaw sa sakit noong Oktubre 27, 2018.

 

Ayon kay Ignacio, ang DFA ang dapat pigain sa naturang kaso dahil ito ang may kapangyarihan upang maiuwi sa bansa ang mga labi ng ginang na ayon sa anak nito ay napag-alaman nilang nasawi sanhi ng multiple hemorrhagic contusion matapos isailalim sa dialysis habang nakaratay sa King Fahad General Hospital sa Jeddah.

 

Gayunman, dahil sa pagnanais na matulungan ang pamilya ng ginang, si Ignacio na mismo ang tumawag kahapon sa ­Assistance to Nationals Section ng DFA.

 

Nalaman ni Ignacio na patuloy pa umanong nagpa-follow-up ang DFA sa kahilingang maiuwi sa bansa ang mga labi ng Pinay nurse pero hanggang sa ngayon ay tumatanggi umanong makipag-ugnayan ang kinatawan ng ospital kung saan nakalagak pa rin ang bangkay ng ginang sa kanilang morgue.

 

Sinubukang hingan ng pahayag ng Abante Tonite ang DFA partikular na si Assistant Secretary Elmer Cato kaugnay sa kahilingan ng pamilya Corpuz at makailang ulit na tinawagan ito pero hindi makontak at wala rin itong tugon sa ipina­dalang mensahe sa kanya sa pamamagitan ng text.

 

Samantala, sinabi ni Ignacio na kailangang makuha nila ang buong detalye sa naging kalaga­yan ni Corpuz at hindi lang sa mga sinasabi sa liham ng kanyang anak na base sa mga impormasyong galing sa isang kasama­hang nurse ng ina nito.

 

“Mahirap mangapa kami sa dilim lalo na’t sinasabi niya na mabagal kumilos ang DFA sa mga ganitong sitwasyon, su­balit kapag natukoy niya ang pangalan kung sino sa naturang kagawaran ang kausap ng pamilya ng nasawi, siya mismo ang tatawag dito upang kaagad silang kumilos,” ani Ignacio.

 

Hindi rin aniya dapat ikumpara ang kaso ni Corpuz sa mabilis na pag-uwi sa bansa ng mga labi ng mag-asawang Pinoy na nalunod sa isang resort sa Maldives habang nagha-honeymoon.

 

Paliwanag ni Ignacio, kahit pareho silang mga overseas Filipino worker (OFW) ay nagtungo umano ang mag-asawa sa Maldives hindi upang magtrabaho kundi bilang mga turista.

 

“Iba ang kaso ng tu­rista sa kaso ng OFW natin dahil kapag may problema ang nasawi nating kababayan sa pinagtatrabahuhang bansa, tulad ng pagkakaroon ng utang, kailangan munang ma-settle ‘yun para tumakbo ang kanilang dokumento para maibalik sa bansa,” ani Ignacio.

 

Sinabi pa nito na ang tanging papel ng OWWA sa mga OFW na namamatay sa ibang bansa ay ang pag-aasikaso sa kanila oras na napauwi na ng DFA ang bangkay at ang una rin ang magbibigay ng tulong upang mapauwi ang mga labi sa probinsya.