May nakalaan nang pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang madakip ng buhay ang gunman na miyembro ng gun-for-hire syndicate na bumaril at pumatay sa 62-anyos na dating Vice Mayor habang ito ay lulan ng kanyang sasakyan sa Barangay Manatal, Pandi, Bulacan kamakailan.
Nakahandang magkaloob si Pandi Mayor Enrico Roque ng P100,000 reward habang nangako naman ng karagdagang P200,000 si Gov.Wilhelmino M. Sy-Alvarado upang mahuli ang suspek na si Ariel Orolfo ng Barangay Pinaod, San Ildefonso na siyang itinuturong lone gunman base sa police photo gallery.
Ang suspek na si Orolfo ay mayroon nang mga kasong murder at matagal nang pinaghahanap ng awtoridad dahil sa kanyang gun-for-hire operation sa Bulacan at karatig-lugar at siyang itinuturo ng saksi na bumaril at pumaslang sa biktimang si ex-Vice Mayor Roberto Rivera y Marquez noong Lunes dakong alas-6:30 ng gabi.
Ang biktimang si Rivera ay masugid na lider/supporter ng kanyang kamag-anak na si Pandi mayoralty bet Celestino Marquez ng KBL na makakalaban ni Mayor Roque.
Ang suspek ay patuloy na tinutugis ngayon ng Pandi Police at Bulacan PNP matapos itong sampahan ng kasong murder ng pamilya ng biktima. (Jun Borlongan)