Kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon ng Ombudsman na humiling na baligtarin ang ginawang pagbabasura ng Sandiganbayan sa graft case laban kay Senador Lito Lapid kasabay ng kautusan sa anti-graft court na simulan na sa lalong madaling panahon ang paglilitis sa kaso.
Ang desisyon ng SC ay nag-ugat sa petisyon na isinampa ng Office of the Special Prosecutors na nagsabing ang ginawang dismissal o pagbabasura sa kaso ni Manuel M. Lapid, Ma. Victoria M. Aquino, Abubakar Leolita at Dexter Vasquez ay may bahid ng ‘grave abuse of discretion’.
Magugunitang dinismis ng Sandiganbayan First Division ang graft case ni Lapid na nilagdaan ni Justice Geraldine Faith Econ na siya ring nag-acquit sa plunder case ni Senador Bong Revilla.
“Wherefore the instant Petition is granted. The resolutions dated Sept. 30, 2016 and Dec. 13, 2016 insofar as it dismissed the criminal case docketed as SB-15-CRM -0286 against respondents Manuel M. Lapid, et all are reversed and set aside. The Sandiganbayan is directed to resolve the criminal case with reasonable dispatch,” ayon sa SC decision.
Nakapaloob din sa 17-pahinang desisyon na hindi sila pumapabor sa findings ng Sandigabayan na nalabag ang karapatan ni Lapid para sa mabilis na pagbabasura sa kaso.
“No such delay attended the Ombudsman’s proceedings that would warrant the dismissal of the criminal against herein respondents,” sabi sa SC decision.
“In the absence of vexatious, caprcious and oppressive delays in the conduct of the preliminary investigation, there can be no denial of the right to a speedy disposition of cases,” laman pa rin ng desisyon.
Kinasuhan si Lapid mula sa P728 milyong ‘fertilizer scam’ noong gobernador pa ito ng Pampanga kasama ang tatlong iba pa.
Taong 2015 nang kasuhan ng graft si Lapid dahil sa isyu noong 2004 dahil sa umano’y overpricing sa liquid fertizer na umaabot sa P4.7 milyon ngunit ibinasura ito ng Sandiganbayan dahil sa “sobra-sobrang pagkakaantala” umano sa imbestigasyon.
Pero giit ng Kataas-taasang Hukuman, hindi nangyari ang nabanggit na delay sa kaso.
Giit ng SC na wala namang delay na nangyari sa proceedings ng Ombudsman na dahilan para i-dismiss ang kasong kriminal.